Sa ulat na nakalap kahapon sa tanggapan ni Philippine Army Commanding General Maj. Gen. Efren Abu, nakilala ang nadakip na si Mohammad Said, alyas Kaiser Said, sangkot sa serye ng kidnap-for-ransom (KFR).
Ayon kay Phil. Army Spokesman Lt. Col. Joselito Kakilala, si Said ay may reward na P1 milyon kapalit ng pagkakadakip dito, buhay man o patay.
Ang pagkakadakip kay Said ay kinumpirma ni Col. Daniel Casabar, Commander ng Task Force Zamboanga (TFZ) sa ilalim ng 1st Scout Ranger Battalion.
Dakong alas-10:30 ng umaga habang nasa kasagsagan ng operasyon ang TFZ at 9th Intelligence Security Group nang masakote sa Brgy. Recodo, Zamboanga City.
Nabatid pa na nabitag si Said matapos na ituro ng ilang residente sa militar na may nagtatagong bandido sa kanilang lugar.
Bitbit ang warrant of arrest na inisyu ng Basilan Regional Trial Court (RTC) ay agad pinalibutan ng militar ang safehouse nito. Bagamat nagtangkang tumakas si Said, hindi naman ito nakaligtas sa nakaalertong mga sundalo.
Kasalukuyan nang sumasailalim sa masusing tactical interrogation sa headquarters ng TFZ si Said. (Ulat ni Joy Cantos)