Developer ng Mary Homes papanagutin ng DOH

Pananagutin ng Department of Health (DOH) ang developer ng Mary Homes subdivision sa sandaling mapatunayang kontaminado ang tubig na posibleng siyang sanhi ng typhoid fever outbreak na ikinasawi ng isang ginang habang mahigit pang 300 katao ang naapektuhan ng karamdaman sa Molino, Bacoor, Cavite,

Ayon kay Health Secretary Manuel Dayrit, mananagot ang San Jose Builders Developer ng Mary Homes Subd. dulot ng pagkakasakit ng typoid fever ng mga residente sa lugar.

Nabatid na isang 24- anyos na ginang ang nasawi dahilan sa sakit na tipus subali’t hindi pa ito idinedeklara ng mga local health officials.

Dahil dito, inatasan na ni Dayrit ang Bacoor Municipal Health Office (MHO) at Cavite Provincial Health Office na magsagawa ng imbestigasyon kung saan nagsimula ang epidemya at kung ang developers ng subdivision ang dapat na managot sa sinapit ng mga naninirahan ditong residente.

Magugunita na nitong unang linggo pa lamang ng Disyembre at nakakaranas na ng sintomas ng typhoid fever ang mga residente sa naturang lugar na umano’y sanhi ng maruming tubig na kanilang iniinom. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments