Sa ulat ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), umaabot sa 5, 260 katao ang inilikas sa mga ligtas na lugar bunga ng pagtaas ng tubig baha na nakaapekto sa may 220 kabahayan at nakasira sa 62 tahanan sa Northeastern Mindanao Region na malapit sa Southern Leyte.
Kabilang pa sa mga nadagdag sa talaan ng mga nasawi ay sina Arnel Mantarin, Angelita Caprico, Mario Piringao, Annilov Galior, Michael Garapillo, Cesar Martinez, isang 6 anyos na batang lalaki at isa ring batang babae na inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Samantalang sa Surigao City ay umaabot sa 11 katao ang nasawi matapos na maguhuan ng bundok ang kanilang mga tahanan.
Nabatid sa ulat na muli na namang nanalanta ang flashflood dakong alas-4 ng madaling araw kahapon sanhi ng mga malalakas na pagbuhos ng ulan sa Caraga Region na sumasakop sa mga lalawigan ng Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Sur, Surigao del Norte kabilang ang mga lungsod ng Surigao at Butuan.
Sanhi ng patuloy na mga pag-ulan na nag-umpisa pa nitong nakalipas na Lunes ay ilang mga barangay ang nakaranas ng flashfloods at landslide na siyang naging sanhi ng dagliang pagkasawi ng mga naitalang biktima.
Kasalukuyan namang inoobserbahan sa pagamutan ang anim pang katao matapos ang mga itong malunod. Patuloy rin ang pagsusumikap ng mga tauhan ng Provincial Disaster Coordinating Council (PDCC), kapulisan at ng mga sundalo upang tulungan ang mga residente na apektado ng flashflood. (Ulat ni Joy Cantos)