Kuya tinodas ng bunso sa lamay ng ina

Sariaya, Quezon – Humabol sa kamatayan ng nakaburol na ina ang isang 27 anyos na lalaki matapos na pagsasaksakin ng bunso nitong kapatid habang naglalamay sa Brgy. Balubal ng bayang ito kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nakilalang si Froilan Ravina habang mabilis namang tumakas ang suspek na nakababata nitong kapatid na si Joseph Ravina, 22; pawang residente ng nasabing barangay.

Lumilitaw sa imbestigasyon ni SPO1 Charlie Gutierrez, may hawak ng kaso, naganap ang insidente, dakong alas-7 ng gabi habang nag-iinuman ang magkapatid kasama ang ilan nilang barkada sa lamay ng namayapa nilang ina.

Nang kapwa malasing ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng magkapatid na humantong sa pananaksak.

Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang kaso habang patuloy ang pagtugis sa suspek. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments