Kinilala ang mga nasakoteng suspek na sina PO2 Gary Villanueva, 31, nakatalaga sa Quezon Provincial Police Office (PPO) at mga kasamahan nitong sina Edward Marcial, 31 at Julito Aklan, 23 anyos.
Sa ulat na nakarating kahapon sa tanggapan ni National Anti-Kidnapping Task Force ( NAKTAF) Chairman Angelo Reyes, nabitag ang mga suspek matapos na maharang ng mga operatiba ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) at Biñan Police ang Isuzu Fuego na may plakang WGD -824 na sinasakyan ng mga ito bandang alas 9:30 ng umaga.
Nabatid na umiwas umano sa checkpoint ang sasakyan ng mga suspek habang bumabagtas sa Brgy. Tubigan kung kayat hinabol ang mga ito ng mga awtoridad hanggang makorner makalipas ang ilang minuto.
Nasamsam mula sa pag-iingat ng mga suspek ang isang caliber 44 Magnum revolver na kargado ng bala at isang .38 caliber pistol.
Base sa intelligence report, ang mga suspek ay mga miyembro ng isang kidnap-for-ransom (KFR) group na nag-ooperate sa Southern Tagalog Region.
Binabalak umano ng mga suspek na kidnapin ang isang prominenteng negosyante sa Laguna na hindi tinukoy ang pangalan nang mabitag ang mga ito ng mga awtoridad. Kasalukuyan na ngayong nakapiit sa detention cell ng PACER sa Camp Crame ang mga nahuling suspek. (Ulat ni Joy Cantos)