Ang kalansay ng biktima na kinilalang si SPO1 Celestino Santos ay narekober ng pinagsanib na elemento ng Bulalacao Mobile Police at Armys 16th Infantry Battalion (IB) dakong alas-2 ng hapon kamakalawa sa Sitio Baylan, Brgy. Benli, Bulalacao, nasabing lalawigan.
Nabatid na isang rebel returnee na pinaniniwalaang nakonsensiya ang nagturo sa lugar na pinaglibingan sa dating hepe ng pulisya.
Lumilitaw sa imbestigasyon na si Santos ay dinukot ng mga rebeldeng NPA sa pamumuno ni Rogelio Villanueva alyas Ka Maling sa Roxas, Oriental Mindoro noong Nobyembre 23, 1987.
Positibo namang kinilala ng pamilya ni Santos na pag-aari nga nito ang nasabing bungo at kalansay base na rin sa ilang mga palatandaan tulad ng damit at alahas na suot nito ng araw na dukutin ng mga rebeldeng NPA. (Ulat ni Joy Cantos)