Sa nakalap na impormasyon ng PSN mula sa isang opisyal ng Subic Intelligence and Investigation Office (SIIO) na tumangging magpabanggit ng pangalan na tone-toneladang pintuang bakal na nakakabit sa mga ammunition bunker sa group 2 at 3 ng Naval Magazine sa Freeport ang kumpirmadong nawawala at pinaniniwalaang sinikwat.
Kinumpirma rin sa ulat na isinumite kay Chief Supt. Edgardo Tinio na ilang tiwaling opisyal ng SBMA partikular na ang mga security officers ng Law Enforcement Department (LED) na nagbabantay sa entry/exit ng Tipo gate toll road ay kasabwat sa modus-operandi.
Napag-alaman pa sa inisyal na ulat na ginamitan ng acetylene para sikwatin ang bomb proof metallic doors saka isinakay sa limang trak patungo sa Metro Manila.
Tumanggi naman ibunyag ang pangalan ng tiwaling opisyal ng SBMA na pinaka-utak nang pagnanakaw dahil malakas ang koneksyon sa mataas na opisyal ng lokal na pamahalaan.
Nabatid na ang ammunition bunkers ay taguan at imbakan ng mga bala ng kanyon noong panahon ng World War 2 hanggang sa umalis ang mga sundalong Kano noong 1992 saka ginawang tourist attraction ng SBMA. (Ulat ni Jeff Tombado)