Kinumpirma naman ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan na pito nga ang napatay ng tropa ng militar matapos na sumiklab ang putukan sa kagubatang sakop ng hangganan ng Datu Piang at Talitay, Maguindanao.
Base sa nakalap na ulat, isa sa mga kawal ng Reconnaissance Company ng 6th Infantry Division na si Cpl. Edward Dionat ay nasugatan habang isa pang sundalo at kasapi ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ang iniulat na nawawala sa patuloy na sagupaan.
Napag-alaman pa na ang kinaganapan ng engkuwentro ay kilalang kuta ng grupo nina Tahir Alonto at Mayangkang Saguile na kapwa lider ng Pentagon kidnap-for-ransom gang.
Kasalukuyan naman sinusuyod ng tropa ng militar ang Brgy. Nimao sa Datu Piang at Brgy. Linunangan sa Talitay para masagip ang dinukot na Tsinoy trader na si Norman Sia.
Nagpalabas na ng desisyon ang maimpluwensyang grupo ng Islamic missionaries sa Cotabato City na di-kikilalanin bilang Muslim at ex-communicated na ang mga kidnaper ni Sia. (Ulat ni John Unson)