Indian trader todas sa sinapak na sundalo

Camp Aguinaldo – Naging mitsa ng buhay ng isang negosyanteng Indian national ang ginawa nitong pananapak sa isang sundalo matapos itong mabaril sa tiyan ng huli sa harapan ng gate ng isang detachment ng militar sa Baggao, Cagayan, ayon sa ulat kahapon.

Dead-on-the-spot matapos na magtamo ng grabeng tama ng bala sa tiyan ang biktimang si Dominic Jose Mariano Vaz, 35-anyos, binata at residente ng Brgy. Ibulu sa bayan ng Baggao.

Ang suspek ay nakilala namang si Pfc Noel Iggat, 31, miyembro ng Charlie Company ng Army’s 17th Infantry Battalion (IB) at naninirahan naman sa Flora, Apayao.

Sa ulat, bandang alas-2 ng hapon habang nakaduty sa gate ng Charlie Company na nakabase sa Brgy. Ibulu, Baggao ang suspek nang biglang sumulpot ang negosyanteng Bombay na nagpupumilit pumasok sa kampo.

Nang sitahin ng suspek ang biktima kung ano ang pakay nito sa loob ng kampo ay nairita ang Bombay at sinapak ito sa mukha na sinundan pa sa tiyan na di pa nakuntento ay tinangka pang agawin ang M16 rifle ng nasabing sundalo.

Dahil dito , nagpambuno ang dalawa sa pag-aagawan sa nasabing armas na aksidenteng pumutok at tumama sa tiyan ng biktima na siya nitong dagliang ikinasawi.

Boluntaryo namang sumuko kay 2nd Lt. Luis Araneta, Commander ng Charlie Company ng 17th IB ang suspek para harapin ang kasong kriminal na isasampa laban sa kaniya. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments