P3.5-M aria-arian naabo
December 8, 2003 | 12:00am
CAMP CRAME Aabot sa P3.5 milyong ari-arian ang tinupok ng apoy matapos na masunog ang gusali ng Lucky Emporium sa Concepcion Street, Guluan, Eastern Samar kamakalawa ng madaling-araw. Napag-alaman sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nagmula ang apoy sa nag-overheat na generator hanggang sa kumalat ang apoy at tumagal din ng ilang oras bago pa maapula ng mga nagrespondeng bombero. Wala naman iniulat na nasawi o nasugatan sa naganap na sunog na nagsimula dakong alas-2 ng madaling-araw. (Ulat ni Joy Cantos)
CAVITE Maging sa loob ng sariling bahay ay hindi inakala ng isang 32-anyos na mister na kakalawitin siya ni Kamatayan matapos pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang armadong lalaki habang natutulog katabi ang kanyang misis sa Dasmariñas, Cavite kamakalawa ng madaling-araw. Walang buhay na iniwan ang biktimang si Nestor Garcia matapos na ratratin katabi ang kanyang misis. Blanko pa rin ang mga imbestigador sa naganap na pamamaslang na naitala bandang alas-12:30 ng madaling-araw. (Ulat ni Cristina G. Timbang)
NUEVA ECIJA Sinamantala ng nag-iisang preso ang kapaguran ng mga guwardiyang nakatulog sa municipal jail ng General Tinio, Nueva Ecija kamakalawa. May nakabinbing kasong murder ang nakapugang presong si Joseph Bara, tubong Barangay Pinawagan, Tigaon, Camarines Sur. Napag-alaman sa ulat na dumating ang mga guwardiyang pulis mula sa inspeksyon ng mga videoke bar sa Barangay Padolina. Agad naman nakatulog ang mga guwardiya at ito ang sinamantala ni Bara na tumakas dakong alas-8 ng gabi. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)
LEGASPI CITY May posibilidad na maantala o ipagpaliban ang halalan sa Masbate kapag nagpatuloy ang sunud-sunod na patayan na may kaugnayan sa politika. Ito ang ipinahayag ni dating Vice Governador Mario Espinosa na itinalaga ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang Presidential Assistance for Bicol Affairs. Makikiusap din si Espinosa kay P/Chief Supt. Jamie Lasar at sa pamunuan ng Comelec ang paglilipat pansamantala ng kapulisan na pinaniniwalaang may koneksyon sa mga politiko sa Masbate patungo sa Kampo Simeon Ola. (Ulat ni Ed Casulla)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Recommended
November 30, 2024 - 12:00am