Brodkaster na ginulpi ng anak ng solon mababaliw

Cabadbaran, Agusan del Norte – Namemeligrong mabaliw matapos na dumanas ng matinding ‘nervous breakdown’ ang isang radio announcer at news director ng DXBR Bombo Radyo Butuan dahilan sa panggugulpe ng anak na lalaki ng naging Executive Secretary ni dating Pangulong Fidel Ramos at ngayo’y Agusan del Norte Rep. Edelmiro Atega Amante.

Ang biktimang si Darwin Prescillas, umaakto rin bilang Operations Manager ng Bombo Die Hard Association ay dinala na ng kanyang pamilya sa Davao City Mental Hospital nitong nakalipas na linggo.

Ayon sa pamilya at mga kaibigan ni Prescillas, nangangamba silang tuluyang mabaliw ang biktima dahilan unti-unti na itong nawawala sa sariling katinuan dahilan sa tindi ng inabot nitong gulpi mula kay Erepe Amante, anak ng solon.

Nabatid na nitong nakalipas na Nobyembre 26 ay nagtungo ang biktima sa White House ng mga Amante upang magsagawa ng transaksiyon sa negosyo kung saan naganap ang umano’y pambubugbog.

Nabigo umano ang biktima na noo’y nasa impluwensiya ng alak na makausap si Congressman Amante dahil wala ito sa kanyang tahanan kung saan ay nagalit dito si Erepe nang mahuli ito sa aktong umiihi sa daan sa tapat ng kanilang tahanan.

Inutusan umano ni Erepe ang kanyang mga bodyguards na barilin at bugbugin si Prescillas pero tumanggi ang mga ito kaya’t mismong ang anak ng Kongresista ang gumulpi dito.

Hindi pa nakuntento, matapos bugbugin ang biktima ay pinagbabaril pa ni Erepe ang gulong ng motorsiklo nito.

Nagtataka naman umano ang mga kasamahan ni Prescillas sa patuloy na pananahimik sa usapin ni Bombo Radio Station Manager Norbert Pagaspas sa kaso. Hinamon naman ng gobernador sa lalawigan na kapatid ng solon ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso sa korte upang lumitaw ang katotohanan. (Ulat ni Ben Serrano)

Show comments