Brgy. Chairman todas sa ambush
NUEVA ECIJA Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang barangay chairman ng dalawang hindi kilalang kalalakihang sakay ng motorsiklo habang ang biktima ay papauwi kasama ang limang kababaihan sa kahabaan ng Nampulog road, Purok Narra 1, Brgy. Bitas, Cabanatuan City kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Alberto Cruz y De leon, 67, may asawa at punong-barangay sa Kasulukan, Talavera, Nueva Ecija. Sa imbestigasyon, lumalabas na minamaneho ng biktima ang patrol car lulan ang limang kababaihan mula sa Christmas party ng mga health worker sa Palayan City nang dikitan ng nakamotorsiklong dalawang lalaki saka inupakan ng sunod-sunod na putok ng baril. Hindi naman nasugatan ang limang kasama ng biktima at kasalukuyan pang inaalam ang motibo ng krimen. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)