Limang bala ang tumapos sa buhay ni Nelson Nadura, 42, brodkaster ng DYME at dating kumander ng rebeldeng New Peoples Army (NPA).
Ilan sa mga nakasaksi sa insidente ay namataan ang ilang armadong lalaki na papalakad na tumakas na animoy walang nangyari na posibleng estilo ng mga rebelde kapag may mission test.
Napag-alaman kay P/Chief Supt. Jaime Lasar na may 100 metro pa lamang nakalalayo ang biktima mula sa pinapasukang istasyon ng radyo nang ratratin ng mga armadong lalaki.
Dalawang anggulo ang sinisilip ng pulisya na maaaring naging motibo ay ang posibilidad na may bahid politika at ang ikalawa ay kagagawan ng mga rebeldeng NPA.
Napag-alaman pa sa ulat na matatagpuan ang nasabing radio station sa compound na pag-aari ng pamilya Espinosa.
Nabatid pa na ang biktima ay kritiko ni Masbate Governor Tony Co at supporter naman ni Congressman Fortus Satchon na posibleng kumandidato sa pagka-gobernador. (Ulat nina Joy Cantos at Ed Casulla)