Kinilala ang mga biktimang nasagip na sina Dr. Romeo Lao, prominenteng dentista at pamangkin nitong si Amor Rubio, 16.
Ayon kay Lt. Col. Daniel Lucero, Chief ng AFP-Public Information Office (AFP-PIO), sina Lao at Rubio ay nasagip ng pinagsanib na elemento ng Armys 33rd Infantry Battalion (IB) at 53rd IB matapos ang ilang minutong pakikipagpalitan ng putok sa mga terorista dakong alas-12 ng hatinggabi sa Brgy. Lagasan, Parang, Sulu.
Sinabi ni Lucero na napilitan ang mga kidnaper na abandonahin ang mga bihag sa takot na mapaslang ng tropang gobyerno.
Nagawang matunton ng mga sundalo ang kinaroroonan ng dalawang bihag matapos na makatanggap ng impormasyon sa presensiya ng mga kidnaper sa nasabing lugar.
Habang ginagalugad ang liblib na bahagi ng barangay at naaktuhan ng tropa ng militar ang mga kidnaper habang tangay ang mga biktima na nauwi sa maikling palitan ng putok hanggang sa magsitakas ang mga kalaban.
Magugunita na ang mga biktima ay binihag ng Sayyaf sa downtown ng Jolo, Sulu may tatlong buwan na ang nakalilipas.
Sa kasalukuyan ay dinala na ang mga nailigtas na mga bihag sa kampo ng Task Force Comet ng militar para maisailalim sa masusing debriefing. (Ulat ni Joy Cantos)