Sa labing-apat na pahinang desisyon na nilagdaan ni Executive Judge Jose B. Rosales ng Regional Trial Court (RTC) Branch 27, ang akusadong si Teofanes Palecpec alyas Palton ay pinatawan ng bitay.
Bukod sa parusang kamatayan ay pinagbabayad din ng korte ang akusado sa biktima ng P125,000 bilang danyos perwisyo.
Base sa record ng korte, noong Mayo 5, 2000, bandang alas-2:30 ng madaling-araw nang pasukin ng akusado ang biktima sa loob ng bahay habang natutulog katabi ang dalawang anak.
Naisagawa ng akusado ang maitim nabalak habang nakatutok ang patalim at dahil na rin sa pinagbantaang papatayin ang dalawang anak nito.
Ibinasura naman ng hukuman ang alibi ng akusado matapos niyang igiit na may relasyon sila ng biktima at kadalasan ay nakakatangap pa ito ng sulat mula sa kanya kung kayat malinaw na blackmail.
Binigyan ng timbang ng korte ang salaysay ng mga testigong sina Leandro Opena, kapatid ng biktima, Edwin Garcia, pamangkin at Renato Velasco, hepe ng barangay tanod na pawang residente ng nabanggit na Barangay dahil sa ginawang pagsaklolo nang marinig ang sigaw ng babae matapos ang pangyayari.
Matitibay din ang mga ebidensyang ipinakita ng biktima laban sa akusado at ayon na rin sa mga sinumpaang salaysay ng mga nakasaksi na lalong nagdidiin kay Palecpec.
Awtomatiko naman dadalhin sa Korte Suprema ang iginawad na hatol ng mababang korte laban sa akusado para rebisahin. (Ulat ni Victor P. Martin)