Manager na dinukot tinodas; 2 kidnaper tiklo

Camp Aguinaldo – Malagim ang sinapit na kamatayan ng isang Ice Plant Manager matapos itong paslangin sa saksak ng dalawa nitong trabahador na dumukot sa kaniya nang magmatigas ng magbayad ng ransom na grupo ng mga kidnappers sa General Santos City kamakalawa.

Kasabay nito, dalawa sa mga kidnappers na nakilalang sina Al Amir Samad at Norodin Jama ang nasakote ng Task Force Talakudong ng Army’s 301st Brigade sa kahabaan ng highway ng nasabing lungsod matapos maispatan ang isang nakaw na kulay pulang Nissan Sentra na may plakang TTD 297.

Sa isang phone interview, sinabi ni Brig. Gen. Agustin Demaala, Commander ng Army’s 301st Brigade na nabigo na silang maisalba ang buhay ng biktimang si Mr. Bernardo Diaz, Manager ng Albania Ice Plant na nakabase sa Brgy. Calumpang ng lungsod matapos itong marekober na patay na sa loob ng sasakyan dahilan sa dami ng tinamong saksak sa mga kidnappers.

"Pera, pera lang ito, hindi Pentagon kidnap-for-ransom (KFR) group ang dumukot sa biktima kundi mismong mga trabahador niya", ani Demaala habang patuloy ang pagtugis sa iba pang mga kasamahan ng mga kidnappers.

Ayon kay Demaala, pinaniniwalaang ang biktima ay pinaslang ng mga kidnappers habang nasa daan matapos na magmatigas na magbayad ng ransom.

Sinabi ni Demaala na matapos mabatid ang pagdukot sa biktima na naganap sa pagitan ng alas-5 hanggang 6 ng umaga nitong Huwebes sa mismong ice plant nito ay agad niyang pinakilos ang kaniyang mga tauhan na naglatag ng checkpoint.

Dakong alas-8:30 ng gabi kamakalawa ng maispatan ng tropa ng militar ang nakaw na sasakyan na kinalululanan ng mga kidnappers at ng pinatay na biktima sa national highway habang papalabas ng lungsod na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek.

Nasamsam rin mula sa pag-iingat ng mga suspek na hindi na nakapanlaban ng makorner ng militar ang isang fragmentation grenade. Ang mga suspek ay itinurnover na sa kustodya ng pulisya para sa pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal laban sa mga ito. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments