Sa ulat ni Neri Amparo, hepe ng operations center ng office of Civil Defense, kinilala ang nasawing biktima na si Marvin Laguin ng Barangay Can-avid, Borongan, Samar.
Bukod sa apat na gusali ng elementary school sa Barangay Can-avid na gumuho ay nagiba rin ang gusali ng pamilihang bayan habang nagtumbahan naman ang mga poste ng kuryente at nabitak ang mga kalsada.
Ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, bandang ala-1:14 ng madaling-araw ng lumindol na may lakas na intensity 6.6 at naramdaman hanggang Surigao City, may 300 kilometro ang layo mula sa epicenter.
Napag-alaman kay Helen Adan, telephone operator sa nasabing bayan na karamihan sa mga residente ay nasugatan dahil sa nagliparang labi mula sa gumuhong gusali at nawasak na gamit-bahay.
Nawalan din ng linya ng kuryente ang buong bayan ng Borongan at karatig pook maliban sa ilang establisamentong may mga generator.
Nagkaroon din ng landslide sa Binaloan Forest area sa Borongan, Eastern Samar at kasalukuyan pang inaalam ang naging pinsala.
Sinabi pa ni Amparo na nagsilikas na ang mga residente sa baybaying-dagat patungo sa mataas na bahagi dahil sa pangambang magkaroon ng tsunami (tidal wave).
Magugunita na sinalanta ng intensity 7.7 lindol ang gitnang isla ng Luzon noong 1990 na ikinasawi ng 2,000-katao. (Ulat ni Joy Cantos)