Ambush: Doctor todas

MANGALDAN, Pangasinan – Isang 61-anyos na doctor ang kumpirmadong nasawi, samantala, nasa kritikal na kondisyon ang drayber nito makaraang tambangan ng dalawang hindi kilalang armadong lalaki sakay ng scooter sa kahabaan ng Barangay Guiguilonen ng bayang ito noong Biyernes ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang nasawing doctor na si Fedelito Lazaro Manaois ng Barangay Ydia, samantalang ginagamot naman sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City si Angelito Malanom, 19 ng Barangay Nibaliw Vidal, San Fabian, Pangasinan.

Base sa ulat ni Chief Inspector Harris Fama, police chief sa bayang ito, sakay ng motorsiklong may plakang ZA-4788 ang dalawang biktima at binabagtas ang kahabaan ng nabanggit na barangay nang paulanan ng bala mula sa kanilang likuran.

Napag-alaman pa na ang dalawang killer na sakay naman ng scooter na walang plaka ay sinusundan ang mga biktima bago pa mapaslang. Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng pamamaslang. (Ulat ni Eva Visperas)

Show comments