Sa ulat na tinanggap kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Hermogenes Ebdane Jr., kinilala ang dalawang nasawing awtoridad na sina Major Nelson Gerona, Assistant Chief of Staff ng Armys 303rd Brigade at si PO1 Ariel Salem, nakatalaga sa nasabing lalawigan.
Kabilang pa sa mga nasawi ay sina Peter John Escondia, Bernie Abellar, Edwin Garin, Divine Padilla, Melanie Gumapaz, Roselyn Labrador, Joebert Alovero, Gloria Lambayon, Roberto Casila, Jay Padilla, Grace Ledesma at Eduardo Balibalos.
Ang mga nasugatan na pawang nasa Riverside Medical Center sa Bacolod City ay nakilala namang sina Ofelia Bacayo, Maricel Catapang at Jefferson Fugala, miyembro naman ng PNPs Regional Mobile Group.
Sa ulat ng Western Visayas Regional Police Office, ang pangyayari ay naganap dakong alas-10:25 ng gabi kamakalawa sa kahabaan ng national highway na sakop ng Brgy. Rizal, Silay City, Negros Occidental.
Kasalukuyang lulan ang mga biktima ng Hyundai passenger jeepney na may plakang FWC 154 na minamaneho ni Peter John Gaue, 22, ng Brgy. Taculing, Bacolod City habang bumabagtas sa timog patungo sa hilagang direksiyon nang sumalpok sa nakaparadang Isuzu truck na may plaka namang NTT 997 na minamaneho naman ng driver na si Rex Escancia ng Isabela, Negros Occidental.
Nabatid na masyado umanong mabilis ang takbo ng dyip kaya nagmistulang flying coffin nang sumalpok sa nasabing truck. (Ulat ni Joy Cantos)