Ang mga biktima ay kinilalang sina Gng. Vangie Balios, nasa hustong gulang at mga anak nitong sina Daniel, 13; Ariel, 11; Danny, 8; Julieta, 5; Baby, 3 at Mark, isang taong gulang.
Batay sa report na nakarating sa tanggapan ni Armed Forces of the Phil. (AFP) Chief of Staff Gen. Narciso Abaya, bandang alas-7 ng gabi nang sumalakay ang mga rebelde na pinamumunuan ni Commander Randong Yusob, lider ng 3rd Unit ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) sa tahanan ng pamilya Balios sa Sitio Maranga, Brgy. Poblacion, Kalawit ng nasabing lalawigan.
Puwersahan umanong pinasok ng mga suspek na may dalang matatalim na itak ang tahanan ng mag-anak.
Walang sabi-sabing bigla na lamang pinagtataga ng mga suspek ang mga biktima sa kabila ng pagmamakaawa ng mga ito kung saan nagkataon namang wala ang asawa ng ginang ng maganap ang insidente.
Tanging mga panaghoy at sigawan ng nag-iiyakang mag-iina na nagmamakaawa at humihingi ng tulong ang narinig sa lugar at ilang saglit pa ay namataan ang mga suspek habang papatakas patungo sa direksiyon ng kagubatan.
Pinaniniwalaan namang ang pamamaslang ay isinagawa ng naturang grupo ng mga rebeldeng Muslim bilang paghihiganti laban sa mag-asawang Balios na umanoy informer ng militar. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo ng krimen habang naglunsad na rin ng hot pursuit operations laban sa mga suspek. (Ulat ni Joy Cantos)