Kinilala ang nasawing bandido na si Faizal Abbas, alyas Kumander Isnani na agad binawian ng buhay matapos na matadtad ng bala sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Base sa talaan ng militar, si Abbas ay may patong sa ulong P1 milyon para sa kanyang ikadarakip at may standing warrant of arrest na ipinalabas ng 9th Judicial Region, Branch 2, Isabel, Basilan.
Ayon kay AFP-Public Information Office (AFP-PIO) Chief Lt. Col. Daniel Lucero, bandang ala-1 ng hapon habang nagsasagawa ng combat patrol ang mga elemento ng 104th Brigade sa Serantes Street, Jolo nang makasagupa nila ang pangkat ni Abbas.
Nabatid na ang mga sundalo ay nagtungo sa lugar matapos na makatanggap ng ulat kaugnay ng pamumugad ng mga armadong mga bandido dito na nangha-harass ng mga sibilyan.
Napa-alaman na nagawang makorner ng mga sundalo si Abbas at ang mga kasamahan nito subalit nanlaban si Kumander Isnani nang aarestuhin na siya ng militar.
Sumiklab ang 5 minutong shootout kung saan napuruhan at napatay si Abbas habang nakatakas naman ang kanyang mga kasamahan.
Bukod sa Sipadan abduction, sangkot din si Abbas sa pagdukot sa mga French journalists sa Jolo noong 2000. (Ulat ni Joy Cantos)