Halos magkahiwa-hiwalay ang braso at kanang binti ng biktimang si Magdalena Monteza ng Bagong Silang Street, samantala, agad naman dinakip ng pulisya ang suspek na si Nelson Carillo, 48, kapitbahay ng biktima sa nabanggit na barangay.
Naitala ng pulisya ang pangyayari dakong alas-8 ng gabi matapos na pumasok ang suspek sa loob ng bahay ng biktima.
Napag-alaman pa sa imbestigasyon na lango sa alak ang suspek nang maghuramentado hawak ang jungle bolo at naghahamon ng patayan sa sinumang kapitbahay.
Wala naman pumatol sa hamon ng suspek kaya naman nairitang pumasok sa bahay ng biktima.
Dito inabutan ng suspek ang biktimang nagpapahinga at biglang initak sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Agad na tumakas ang suspek hawak pa ang bolo pero hindi naman nakalayo at agad naman nalambat dahil sa isinagawang follow-up operation ng pulisya. (Ulat ni Edwin Balasa)