Kinilala ni Chief Inspector Raul Supiter, police chief ng Tacurong City ang mga biktimang sina Richard Escobia, municipal assistant treasurer at Eileen Palmes Lustre, staff ni Escobia.
Base sa pagsisiyasat ni Supiter, sina Escobia at Lustre, kasama ang ilang officemates ay patungo sa Davao City para sa field trip lulan ng tatlong sasakyan.
Ayon pa sa ulat, pagsapit ng sasakyan ng mga biktima sa Tacurong-Davao Highway sa nabanggit na barangay ay hinarang na ng mga armadong kalalakihan bago sinikwat ang lahat ng kanilang suot na alahas at pera.
Ilan sa mga nakasaksi sa pangyayari ay nagulat dahil kinaladkad palabas ng sasakyan sina Escobia at Lustre sa magkahiwalay na lugar bago binaril ng malapitan.
Napag-alaman pa na ang mga armadong kalalakihan ay pawang nakamaskara at kalunos-lunos ang naganap na kamatayan ni Lustre dahil sa pinabuka ang bibig nito bago pinaputukan ng kalibre. 45 baril na lumagos sa likurang bahagi ng ulo.
Lumalabas pa sa imbestigasyon na bukod tangi lamang na pinara ng mga armadong lalaki ang sasakyan ng mga biktima at pinalagpas ang dalawang nauna na lulan din ng mga empleyado ng nasabing munisipalidad.
Samantala, sinabi naman ni Brig. Gen. Agustin Dema-Ala, commander ng 301st Brigade na narekober ng kanyang mga tauhan ng shoulder-fired rocket launcher, 3 B-40, caliber. 30 Garand rifle, 2 radyo at uniporme ng militar na may tatak na Bangsa Moro Army.
"Ang pagkakadiskubre ng B-40 anti-tank rocket at uniporme ng militar na may tatak ay isa sa palatandaan na ito ay pag-aari ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nagkukuta sa Barangay Cadiis, Datu Paglas, Maguindanao.", ani Maguindanao Gov. Datu Andal Ampatuan. (Ulat ni John Unson)