Kinilala ni Major Rogelio Migote, spokesman ng 5th Infantry Division (ID) ang mga nasawing sina M/Sgt. Marcelino Alcantara, T/Sgt. Leonardo Sedon, Corporal Alfonso Cariño at Pfc. Eddie Cabildo ng 53rd Reconnaissance Company (RC) ng Phil. Army na nasa ilalim ng 5th Infantry Division.
Bineberipika pa ang mga pagkikilanlan ng mga rebeldeng narekober matapos ang engkuwentro na pinaniniwalaang tauhan ng Benito Tesorio Command na may operasyon sa bulubunduking bahagi ng Isabela at Sierra Madre Mt., ayon pa kay Major General Samuel Bagasin, commanding general of the 5th Infantry Division.
Ang malubhang nasugatan naman ay sina Corporal Daniel Gillona, Cpl. Godofredo Logronin, Cpl. Virgilio Manabat, P/fc Zosimo Vallo, Pfc. Arnel Verzola, P/fc Jefford Manzano ng 45th Infantry Battalion at isa pang hindi nabatid ang pangalan.
Napag-alaman sa ulat na dakong alas-8:30 ng umaga kamakalawa nang ambusin ng mga rebelde ang tropa ng militar na nagsasagawa ng reconnaissance patrol sa Sitio Curawitan, Barangay Binatog, San Mariano, Isabela.
Kahit nalagasan ang tropa ng militar ay nakipagpalitan pa rin ng putukan na tumagal ng anim na oras hanggang sa magsi-atras ang mga rebelde bandang alas-3 ng hapon matapos na matunugang may paparating na karagdagang tropa ng militar. (Ulat nina Victor P. Martin at Joy Cantos)