3 anyos lasog sa paputok; 4 pa sugatan

Dagupan City, Pangasinan – Nalasog ang murang katawan ng isang 3-anyos na batang lalaki habang sugatan naman ang mga magulang nito at dalawang kapatid matapos na sumabog ang isang paputok sa lungsod na ito kamakalawa.

Kinilala ni SPO3 Rudy Navarro, Supervisor ng Police Community Precint 2 ang nasawi na si Alexander Ibasan Jr. samantalang ang mga malubhang nasugatan ay nakilala namang sina Alexander Ibasan Sr, 29; asawa nitong si Delly, 30 at ang dalawang anak na sina Andrea, 4 at Jonil, 1-anyos. Ang mga sugatang biktima na nagtamo ng 3rd degree burns ay isinugod sa Villaflor Hospital.

Ayon kay Navarro, ang insidente ay naganap dakong alas-2 ng hapon habang ang ama ng biktima ay nagpuputol ng kawad ng paputok nang aksidente itong sumabog na lumikha ng sunog.

Naagapan naman ang sunog ng mga nagrespondeng kapitbahay ng pamilya. (Ulat ni Cesar Ramirez)

Show comments