Hindi na nakapanlaban pa ang biktimang si SPO3 Edgar Arimbuyutan, 47, miyembro ng Civil Security Group (CSG) na nakabase sa Camp Crame at residente ng 40 Bonifacio St. ng naturang lugar.
Sa imbestigasyon ni P/Insp. Angel Alicante na isinumite kay P/Sr. Supt. Jimmy Restua, police director, binuksan ng katulong ang pintuang bakal ng garahe para pumarada ang sasakyan ng biktima.
Dito sinamantala ng dalawang hindi kilalang armadong lalaki ang pagpasok ng biktima sa garahe saka pinaputukan ng sunud-sunod hanggang sa duguang bumulagta, ayon pa sa pulisya.
Matapos isagawa ang krimen dakong alas-5 ng hapon ay agad na tumakas tangay ang motorsiklo ng anak ng biktima at pinaharurot sa hindi nabatid na direksiyon.
May teorya naman ang pulisya na pawang mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) ang nagsagawa ng pamamaslang dahil sa puntirya ay pawang mga kagawad ng pulisya.
Sinisilip din ang anggulong bawal na droga ang isa sa dahilan ng krimen dahil naglingkod din ang biktima sa Narcom at may nasagasaang malalaking sindikato ng droga. (Ulat ni Pesie Miñoza)