4 pulis,1 pa timbog sa kidnapping

Camp Vicente Lim, Laguna Apat na pulis na nakadestino sa Camp Crame at isa pang civilian agent ang dinakip ng Batangas Police matapos na masangkot sa kaso ng kidnap for ransom (KFR)sa isinagawang checkpoint sa bayan ng Nasugbu kamakalawa ng hapon.

Sinabi ni P/Chief Supt. Jaime Karingal, Director ng CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) na inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga suspek na sina P/Sr. Insp. Romeo Odrada, SPO1 Florentino Tasara, PO3 Jessie Barruga, PO1 Cesar Lamboon at ang sibilyang si Danilo Mateo.

Ang nasabing mga pulis ay pawang nakatalaga sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Anti-Hijacking Task Force na nakabase sa Camp Crame habang si Mateo naman ang driver ng mga ito ay isa ring civilian asset.

Sinabi ni P/Supt. Cipriano Querol, CIDG 4 Regional Director ,ang mga suspek ay dinakip dakong 4:15 ng hapon sa Lumbangan, Nasugbu, Batangas nang maispatan sa checkpoint matapos na utusan ang mga biktima na mag-withdraw ng pera sa sangay ng Metrobank sa nasabing bayan,

Nakilala naman ang mga pinalayang kidnap victims sa pangunguna ni Dr. Frank Lazares Aragon, 27; Lourdes Zorilla, 47; Jelyn Acoy Santiago, 21; Adrian Dornacion Apostol, 20 at Ana Marie Dornacion Apostol, 21; pawang residente ng Nasugbu, Batangas.

Lumilitaw sa imbestigasyon na ang mga biktima ay kagagaling lamang sa Cebu City nang hulihin ng mga suspek dakong 8:30 ng umaga nitong Oktubre 15 sa Ninoy Aquino International Airport bitbit ang isang pekeng warrant of arrest sa kasong murder noong taong 1979.

Mula sa airport ang mga biktima ay dinala ng mga suspek sa Camp Crame at inilipat sa Orange Place Apartelle sa Quezon City kung saan nilimas ang P5M halaga ng kanilang mga alahas.

Maliban dito ay humingi rin ng P10M ransom ang mga suspek sa mga biktima na naibaba sa P1M at sinamahan na mag-withdraw sa bangko ng maispatan ng mga awtoridad na lingid sa mga ito ay tinutugaygayan na ang kanilang mga kilos.

Nabatid na palihim na kinontak ng mga biktima ang kanilang mga kamag-anak gamit ang isang itinagong cellphone na siya namang nagsuplong ng insidente sa pulisya. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments