Base sa ulat, sampung opisina ng munisipyo ang winasak ng mga rebelde at sinunog pa ang patrol car at motorsiklo na pag-aari ni PO2 Nestor Pajares Jr.
Kabilang sa nasugatang pulis ay nakilalang sina PO2 Ireneo Mendoza at SPO4 Elmer Ramores na kahit na may tama ng bala sa katawan ay nakuha pang makipagbarilan sa mga rebelde.
Napag-alaman sa inisyal na imbestigasyon, lulan ng pampasaherong dyip ang mga rebelde nang mamataan ng isang kasapi ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ang kilalang rebeldeng si Julio Alvares na unang bumaba sa sasakyan.
Agad na umalingawngaw ang sunud-sunod na putok sa loob at labas ng nasabing munisipyo at himpilan ng pulisya.
Agad namang nagresponde ang siyam na nagbabantay na kagawad ng pulisya sa pamumuno ni P/Senior Inspector Rogelio Beraquit at nakipagbarilan sa mga umaatakeng rebelde.
Tumagal ng dalawang oras ang putukan bago nagsitakas ang mga rebelde matapos na matunugang may rumerespondeng tropa ng militar mula sa 902nd Brigade ng Phil. Army at 503rd Provincial Police Mobile Group.
Sa kasalukuyan ay walang iniulat na nasawing pulis o sibilyan, gayunman, sinuspinde naman ni Mayor Edgar Ramores ang pasok sa nasabing munisipyo para maisaayos ang mga gamit na nawasak. (Ulat nina Francis Elevado/Ed Casulla/ Joy Cantos)