Ito ang nabatid kahapon kay Lt. Col. Daniel Lucero, Chief ng AFP-Public Information Office (AFP-PIO) base sa nakalap na intelligence report ng militar.
Sinabi ni Lucero na nangunguna sa balak dukutin ng Sayyaf sa pangunguna nina Kumander Isnilon Hapilon at Abdullah Mohammad Ajijul ay isang American Consultant na nagtatrabaho sa Policarpio Construction Firm na nagsasagawa ng widening project sa Curuan at Vitali District sa lungsod ng Zamboanga.
Nabatid pa na ibinaling na ng Sayyaf ang paglulunsad ng kanilang operasyon sa mainland ng rehiyon ng Mindanao dahil sa pinalakas na military operations sa bahagi ng Basilan at Sulu.
Ayon kay Lucero, magsasagawa na naman ng panibagong kidnapping ang mga terorista upang makapangalap ng pondo.
Dahil dito, sinabi ni Lucero na nakaalerto ang kanilang puwersa upang masupil ang masamang tangka ng terorista.
"This was expected actually... and even Southcom issued a warning that the Abu Sayyaf might kidnap somebody to support their operations particularly in supporting their financial requirements for their operations," ani Lucero.
Nabatid pa na inatasan na ng pamunuan ng AFP ang mga subordinate units nito upang harangin ang planong pagdukot ng teroristang grupong Abu Sayyaf sa Mindanao.
Magugunita na ang Sayyaf ay sangkot sa pagdukot sa 21-katao na binihag sa beach resort sa Pandakan, Sabah Malaysia na itinago sa Sulu noong Abril 23, 2000. (Ulat ni Joy Cantos)