Kinilala ang mga biktimang sina Ricardo Tamayo Jr., engineer; Peter Chopchopon, security supervisor; Abraham Damogo, security supervisor; Romeo Pangod, driver/security at Francisco Mallari, security guard; pawang empleyado ng Lepanto Mining Company.
Batay sa ulat na tinanggap kahapon ng Camp Crame, ang pangyayari ay naganap bandang alas-5:50 ng hapon sa Lepanto Mining sa Level 900, Brgy. Baco, Mankayan, Benguet.
Ayon sa imbestigasyon, ang mga biktima ay lulan ng Mazda pick up na may plakang WCC 102 habang inieskortan ang 21,860 kilo ng ginto na nagkakahalaga ng P16 milyon nang harangin ng pitong armado.
Ang mga suspek ay pawang nakasuot ng kulay itim na sweat shirts at naka-bonnet.
Bigla na lamang pinagbabaril ang mga biktima partikular na ang guwardiya upang hindi na makapanlaban pa.
Tumagal lamang ng ilang minuto ang karahasan bago tuluyang tumakas tangay ang nasabing ginto at dalawang baby armalite rifles ng mga napaslang na security guards.
Kasalukuyan namang sinisilip ng mga elemento ng Benguet Police Provincial Office (PPO) ang posibleng anggulo ng inside job sa nangyaring nakawan.
Nagsasagawa na ng follow-up operations ang mga elemento ng Mankayan police station sa kaso upang matukoy at mapanagot sa batas ang mga salarin. (Ulat ni Joy Cantos)