Kinilala ni AFP-PIO Chief Lt. Col. Daniel Lucero ang tinarget dukutin na si Michael Escanlar, Filipino-American, isang prominenteng negosyante, may-ari ng isang gamecock farm na matatagpuan sa Purok Kauswagon, Brgy. Kalawag 1 sa bayan ng Isulan.
Gayunman, nagawang tangayin ng mga kidnappers ang tatlo nitong security escort na nakilala namang sina Hernani Panes, Rey Escanlar at Datu Galvez.
Sa isang phone interview, sinabi naman ni Brig. Gen. Agustin Demaala, 301st Army Brigade Commander, nagawang makatakas ni Escanlar matapos na buong tapang itong manlaban gamit ang kanyang handgun sa grupo ng mga kidnapper.
Ayon kay Demaala, ang insidente ay naganap dakong-4:35 ng hapon nitong Biyernes matapos pasukin ng mga kidnappers ang gamecock farm ng nasabing ex-US sailor na agad napansin ang nagaganap na komosyon sa pagitan ng Pentagon KFR at ng kanyang mga security escort kung saan ay nagawa pa nitong makipagbarilan sa mga kidnappers bago tuluyang nagtatakbo para tumakas.
Sinabi ni Demaala na ang mga kidnapper ay pinamumunuan umano ni Commander Tahir Alonto, lider ng Pentagon KFR gang na responsable sa serye ng kidnapping sa Central Mindanao.
Ayon sa heneral, si Escanlar ay kilala sa kanilang komunidad na yumaman matapos magwagi ng $5M jackpot prize sa lottery noong kasalukuyan pa itong US navy sailor may ilang taon na ang nakalilipas.
Matapos na mabigo ang mga kidnappers na mabihag si Escanlar ay pinagbalingan naman ng mga itong dukutin ang tatlo nitong security escort.
Ang mga kidnapper ay mabilis na tumakas patungo sa direksiyon ng national highway sa bayan ng Esperanza, Sultan Kudarat lulan ng isang kulay abong Mitsubishi Lancer na binaback-up ng isang pampasaherong jeepney na narekober sa La Flotera Banana Plantation sa Datu Paglas ng tumutugis sa mga itong pinagsanib na elemento ng Armys 66th Infantry Battalion at Sultan Kudarat Provincial Police Office.
Patuloy naman ang isinasagawang hot pursuit operations sa bulubunduking hangganan ng lalawigan ng Maguindanao at Sultan Kudarat. (Ulat ni Joy Cantos)