Kinilala ang nakaligtas na lokal na opisyal na si Mayor Vivencio Bataga, samantala, nasugatan naman ang police security escort na nakilala lamang na PO1 Ubas ng PNP Parang, Maguindanao.
Batay sa ulat, dakong 6:45 ng umaga nang sumabog ang improvised explosive device (IED) sa harapan ng simbahang Katoliko ng nasabing bayan.
Ang sumabog na bomba ay may sangkap na isang 60mm mortar ammunition na nakalagay sa isang ICOM radio.
Nabatid na kasalukuyang papasok ng simbahan ang nasabing alkalde nang biglang sumambulat ang itinanim na bomba na pinaniniwalaang inilaan para sa nasabing lokal na opisyal.
Bagaman nakaiwas sa panganib ay minalas na mahagip ang police security escort ng nasabing alkalde.
Sa kasalukuyan ay pulitika ang pangunahing motibo na sinisilip ng mga awtoridad sa pagtatangka sa buhay ng alkalde habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso.
Samantala, dalawa pang improvised bomb na hindi sumabog ang narekober ng pulisya at agad na na-diffuse sa naturang lugar. (Ulat ni Joy Cantos)