Ang nasawing biktima ay nakilalang si PO1 Diony Velasco, nasa hustong gulang at miyembro ng Special action Force (SAF) ng Charlie Company ng PNP.
Base sa report, bandang alas-12:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa Sitio Minanga, Brgy. Mabayo, Morong ng nasabing lalawigan.
Ayon sa imbestigasyon, kasama ng biktima ang ilang miyembro ng SAF Commando student na magsasagawa ng "combat swim" bilang bahagi ng waterborne operation sa malawak na karagatan ng Bataan nang mawala ang biktima.
Ang biktima ay tinangay umano ng malakas na alon nang huli itong makita ng kanyang mga kasamahan.
Mabilis na nagsagawa ng search and rescue operations ang mga kasamahang estudyante kasama ang kanilang mga instructors upang hanapin ang biktima.
Makalipas ang ilang oras na paghahanap ay narekober ang bangkay ng biktima 25 metro ang layo mula sa mga dalampasigan.
Kasalukuyan pang isinasailalim ng Morong Municipal Police Station (MPS) upang malaman kung totoong pagkalunod ang sanhi ng ikinamatay ng biktima.
Samantala, isang 33-anyos na lalaki ang nalunod matapos tangayin ng alon habang ito ay naliligo malapit sa Beach Valley Barangay Panibuatan Lipay Dingin ng bayang ito, kamakalawa.
Ang nasawi ay nakilalang si Arnel Dammi, may-asawa at residente ng St. Joseph Barangay Palanginan, Iba, Zambales.
Nabatid sa ulat na habang naliligo ang biktima sa nabanggit na beach ay di nito namataan ang pagdating ng malaking alon kaya ito naisama ng malakas na alon hanggang tuluyan itong malunod. (Ulat nina Joy Cantos/Erickson Lovino)