Kinilala ang mga napatay na sina Wencil Esquilona, isang retiradong pulis; SPO2 Jesus Huelva, residente ng Brgy. Lagta, Baleno, ng naturang lalawigan; Marlon Mingoy, 29; Jonathan Virtucio, 25; Ruben Abuedo; pawang mga CVOs at dalawa pang sibilyan na sina Nestor Lancotac, 47, security officer ng Mayor ng bayan ng Baleno, Masbate at Jay Sanchez, assistant budget officer.
Ang nasugatan naman ay nakilalang si PO3 Elvis Amante at isa pang di natukoy ang pangalang sibilyan.
Sa ulat na tinanggap kahapon ng Camp Crame, unang pinaslang ng mga rebelde si Esquilona matapos salakayin ang bahay nito sa Brgy. Sog-ong, Brgy. Lagta, Baleno ng nasabing lalawigan dakong alas-8 ng umaga.
Matapos na marinig ang alingawngaw ng mga putok ng baril ay mabilis namang nagresponde ang mga CVO sa lugar lulan ng patrol jeep sa pamumuno ni SPO3 Huelva kung saan ang mga ito naman ang napagdiskitahang pagbabarilin ng mga nakaposisyong rebelde.
Ang mga rebelde ay mabilis na tumakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon matapos na maisagawa ang pakay.
Kaugnay nito, agad namang bumuo ng combat teams ang pinagsanib na elemento ng Masbate Provincial Police Office (PPO), 506th Provincial Regional Mobile Group upang tugisin ang grupo ng mga rebelde na responsable sa magkasunod na pag-atake. (Ulat nina Joy Cantos at Doris Franche)