Batay sa ulat ni 4th Infantry Division (ID) Chief Major Gen. Cristolito Balaoing na dakong alas-9 ng umaga nang pasukin ng mga rebeldeng komunista ang detachment ng Bravo Company ng Armys 8th Infantry Battalion (IB) na matatagpuan sa bisinidad ng Brgy. Concepcion, Valencia City ng nasabing lalawigan.
Sinorpresa umano ng mga rebelde habang kumakain ng almusal ang ilang miyembro ng CAFGU sa naturang lugar nang lapitan sila ng apat na rebelde at agad silang tinutukan ng baril saka puwersahang dinisarmahan.
Tinangka umanong manlaban ng mga CAFGU subalit biglang sumulpot ang iba pang kasamahan ng mga rebelde na agad pinalibutan ang kanilang detachment.
Ang mga rebelde ay pinamumunuan umano ng isang tinukoy sa pangalang Commander Alexander Llesis alyas Ka Wawen/Bagwis, Secretary ng Front Committee 66, North Central Mindanao Regional Committee.
Kabilang sa natangay ng mga rebelde ay isang M16, anim na M14, anim na garand, 2 carbine rifles at dalawang handheld radios.
Hindi naman sinaktan ng mga rebelde ang mga CAFGU matapos na makulimbat ang kanilang mga armas at ilang saglit pa ay mabilis na nagsitakas ang mga ito.
Agad namang inatasan ni Balaoing ang mga elemento ng Armys 4083rd Brigade sa ilalim ng pamumuno ni Col. Melchor Dilodillo na magsagawa ng pursuit operations laban sa grupo ng mga rebelde na responsable sa insidente. (Ulat ni Joy Cantos)