Brgy. kagawad nilikida

PANGASINAN – Isang barangay kagawad ang kumpirmadong nasawi, samantala, malubhang nasugatan naman ang isang sibilyan makaraang ratratin ng mga hindi kilalang kalalakihan ang biktima noong Lunes ng gabi sa Barangay Pias, Villasis, Pangasinan.

Idineklarang patay sa Villasis Polymedic Hospital si Roger Lagleva, 31, samantala, kritikal naman si Generoso Rumeral, 20 na kapwa residente ng nabanggit na barangay.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, patungo si Lagleva sa lamay ng kanyang kabarangay ng umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril na ikinasawi ng biktima habang tinamaan naman ng ligaw na bala si Rumeral na kasalukuyang naglalakad sa naturang lugar. (Ulat ni Cesar S. Ramirez)

Show comments