Mag-asawang na ex-NPA itinumba ng kabaro

CABIAO, Nueva Ecija – Tinambangan at napatay ang mag-asawang dating rebeldeng New People’s Army (NPA) ng kanilang dating kasamahan sa makakaliwang kilusan habang ang dalawa ay nagmomotorsiklo sa Purok 1, Barangay San Gregorio sa bayang ito kamakalawa ng umaga.

Kapwa hindi na umabot ng buhay sa ospital ang mga biktimang sina Romeo Damian, 43, at Elvira Damian, 42, ng Brgy. San Gregorio.

Samantala, ang mga rebeldeng nagsagawa ng pananambang ay pinaniniwalaang miyembro ng Hukbong Mapagpalayang Bayan na nakabase sa Arayat, Pampanga.

Napag-alaman na ang mag-asawang biktima ay nagmula sa pamilihang bayan at papauwi na sana nang harangin ng mga rebelde saka niratrat.

Ayon sa pulisya, si Romeo Damian ay pinagbantaan na ng kanyang dating kadre dahil sa paniniwalaang sangkot ang lalaki sa gunrunning, estafa at robbery/holdup. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments