Ang nasawi habang ginagamot sa Tanay General Hospital ay nakilalang si PO1 Daniel Daqum, 37, habang kritikal sa nasabing pagamutan sina SPO3 Arturo Bassig; SPO2 Cezar Bassig, 40; PO1 Egdon Aris Padua, 28; at PO1 Monico Mojado, 28; drayber ng mobile car.
Ayon kay P/Insp. Ramon de Sumalla, hepe ng Jala-jala police na ang insidente ay naganap dakong alas-7 ng gabi sa national road ng nasabing bayan na nasasakupan ng Brgy. Pagkalinawan.
Nabatid na rumesponde ang mga biktima sa Sitio Ek-ek, Brgy. Lubo ng bayang ito makaraang makatanggap ng tawag sa isang nagngangalang Edelina Popsing na umanoy may mga armadong kalalakihan na nanggugulo sa kanilang lugar.
Nang dumating ang mga biktima sa nasabing lugar ay wala namang naganap na kaguluhan kaya minabuti na lamang ng mga ito na bumalik sa kanilang istasyon.
Habang papaliko ang mobile car sa nasabing hi-way ay nawala ito sa giya at hindi na nakontrol ni PO1 Mojado at tuluy-tuloy na nahulog sa bangin.
Madali namang sumaklolo ang mga residente sa lugar at agad na dinala sa nasabing pagamutan ang mga biktima. (Ulat ni Edwin Balasa)