Kinilala ng pulisya ang nakaligtas na abogadong si Virgil Castro, dating presidente ng Integrated Bar of the Philippines.
Samantala, ang kanyang mga alalay na nasawi ay nakilalang sina Andrew Iyadan, 39, ng Purok 7 Bulanao, Tabuk Kalinga; Pedro Ambatali, 52 at Arsenio Ambatali, 47, ng Barangay Roxas, Solano, Nueva Vizcaya.
Malubhang nasugatan naman si Joseph Taculog, 41, drayber ni Castro at tubong Curimao, Ilocos Norte.
Base sa inisyal na imbestigasyon ni P/Insp. Nicasio Mendoza, police chief ng Villaverde, niatala ang pananambang bandang alas-9:30 ng umaga habang ang mga biktima ay lulan ng Hyundai Grace van na may plakang WNF-644.
Napag-alaman na si Atty. Castro ay dadalo sa court hearing sa bayan ng Villaverde nang sabayan ng mga armadong kalalakihang sakay ng pampasaherong dyip at motorsiklo na kulay pula.
Ayon sa pulisya, nakaligtas lamang sa tiyak na kamatayan si Atty. Castro matapos na takpan ng katawan ng alalay na si Pedro Ambatali na ikinasawi nito dahil sa tadtad ng tama ng bala.
Nabatid na si Atty. Castro ay unang tinambangan ng hindi kilalang lalaki noong Hulyo 18, 2002 habang nagmamaneho ng sariling kotse.
Agad namang inatasan ni P/Senior Superintendent Jesus Manubay, provincial director ang kapulisan sa Nueva Vizcaya na magtayo ng checkpoint sa mga posibleng lusutan ng mga killer na naka-bonnet. (Ulat nina Victor P Martin at J. Invierno)