Holdaper todas sa barilan

GAPAN CITY, Nueva Ecija — Isa sa tatlong holdaper ng mag-asawang negosyante ang napatay sa pakikipagbarilan sa pulisya sa likurang bahagi ng Juan R. Liwag Memorial High School na sakop ng Barangay Bayanihan sa lungsod na ito kamakalawa.

Ang holdaper na si Philip Mendoza na napatay sa barilan ay nakuhanan ng baril at 2 cellphone mula sa mag-asawang sina Alfredo at Evelyn Collado na kapwa residente ng San Pedro, Laguna.

Ayon kay P/Supt. Benjamin dela Cruz, hepe ng Gapan police station na patungo sana ang mag-asawa sa Cabanatuan City nang magdesisyong bumaba sa kanilang sasakyan at uminom ng kape sa tindahan.

Bandang alas-4:30 ng madaling-araw nang papasakay na sila sa nakaparadang sasakyan ay biglang lumapit ang tatlong holdaper bago tinutukan sila ng baril.

Matapos na tangayin ang ilang gamit at P50,000 ay agad na tumakas pero mabilis namang naipagbigay-alam sa pulisya ang pangyayari.

Agad na rumesponde ang pulisya at nakorner ang isa sa mga holdaper. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments