Kano pinaulanan ng bala sa loob ng sasakyan

CALAMBA CITY, Laguna – Isang American national ang tinadtad ng bala ng dalawang di nakilalang armadong lalaki habang nagpapahinga kasama ang isang babae sa loob ng kanyang sasakyan sa kahabaan ng Barangay Road at Makiling dito kahapon ng tanghali.

Patay na nang idating sa Calamba Medical Center Hospital ang biktima na nakilalang si Ralph Neil Sander, 49, may-asawa at nakatira sa Parañaque City sanhi ng tinamong mga tama ng bala.

Samantalang hindi pa makausap ng mga awtoridad ang babaeng kasama ni Sander na si Judith Das, 27, dalaga at nakatira sa Pandacan, Manila at mahigpit na binabantayan ng mga pulisya sa pagamutan.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang dalawampu’t isang basyo ng bala ng M16 at labing-isang kalibre .45 sa loob ng sasakyan.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ang pangyayari ay naganap dakong alas-12:45 ng tanghali sa nasabing barangay habang ang biktima ay nagpapahinga kasama si Judith sa loob ng Mitsubishi L-200 pick-up (UNX-479) nang bigla na lamang dumating ang dalawang armadong lalaki na lulan ng isang kotseng Mitsubishi Lancer na kulay abo na walang plaka.

Bumaba ang mga suspek sa harap ng sasakyan ng biktima at walang sabi-sabing pinagbabaril si Sander, samantalang hindi naman ginalaw si Judith na mabilis na nakakubli habang pinapaulanan ng bala ang sasakyan.

Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo ng krimen. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments