2 cattle rustler,todas sa engkuwentro

CAMP AGUINALDO – Dalawang pinaghihinalang notoryus na miyembro ng cattle rustlers ang napaslang makaraang makasagupa ang mga sundalo sa South Upi, Maguindanao nitong Huwebes.

Kasalukuyan pang beneberipika ang mga pangalan ng mga nasawing suspek dahilan na wala ni isa mang identification card na nakuha sa bangkay ng mga ito.

Sinabi ni Army Spokesman Lt. Col. Joselito Kakilala, naitala ang sagupaan habang nagsasagawa ng combat patrol ang mga elemento ng Army’s 57th Infantry Battalion sa Sitio Balita, Barangay Itaw sa nasabing bayan.

Nabatid na habang sinusuyod ng mga sundalo ang lugar nang matiyempuhan nila ang 15 armadong kalalakihan na hinihinalang mga cattle rustlers na umaaligid sa lugar.

Tumagal ng isang oras ang engkuwentro hanggang sa magpasya ang mga suspek na umatras patungo sa iba’t ibang direksyon matapos na maramdamang nadedehado na sila sa bakbakan.

Wala namang iniulat na nasugatan sa panig ng tropa ng pamahalaan.

Narekober ng militar sa pinangyarihan ng engkuwentro ang dalawang garand rifles, isang springfield rifle at isang caliber .22 rifle. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments