Kinilala ang nasawing suspek na si Vic Isagani Gandao alyas Commander Jariki Gandao/Vic Loedin, 36-anyos, itinuturong lider ng KFR gang na sangkot sa serye ng kidnapping, robbery/hold-up, carnapping at kilala rin sa pagiging extortionist sa SOCSARGEN (Saranggani, Cotabato at General Santos City) area.
Ang mga nagsisuko nitong tauhan ay nakilala namang sina Adduljabar Sumagka, 25; Hajar Ali, 26 at Antonio Villapancana, 18.
Batay sa ulat, dakong alas-3:30 ng madaling nang maganap ang shootout sa Purok Wak-Wak sa Brgy. Baluan ng nasabing lungsod matapos masabat ng pinagsanib na mga elemento ng Saranggani Provincial Police Office (SPPO), Special Operations Group (SOG) at General Santos City Police ang mga suspek.
Nabatid na sa halip na sumuko ay nakipagbarilan pa si Commander Jariki sa mga operatiba ng pulisya na nagresulta sa pagtatamo nito ng malubhang sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Si Commander Jariki ay namatay habang dinadala sa General Santos City District Hospital.
Napilitan namang sumuko ang tatlo nitong tauhan matapos makorner ng mga operatiba ng pulisya sa kanilang pinagtataguan. (Ulat ni Joy Cantos)