2 lalaki sa todas sa ex-army

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang dalawang kalalakihan ng kanilang nakaalitang dalawang kawal ng Phil. Army makaraang magkapikunan kamakalawa ng gabi sa Antipolo City.

Walang buhay na iniwang nakabulagta ang mga biktimang sina Joseph Antolin, 35, at Abner Hernan, 34, na kapwa residente ng Habitat, Sitio Kapatagan, Barangay San Jose ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan namang tinutugis ang mga suspek na nakilala lamang sa kanilang apelyidong Sgt. Mura at S/Sgt. Cordova ng Phil. Army.

Base sa inisyal na pagsisiyasat ni SPO1 Jesus Magno, naitala ang krimen bandang alas-6:30 ng gabi matapos na magsalubong ang dalawang grupo.

Napag-alaman na lango sa alak ang dalawang suspek na may hawak pang M16 armalite rifle nang komprontahin ang mga biktima.

Nauwi sa mainitang pagtatalo ang usapan hanggang sa paslangin ang dalawa at biglang naglaho sa dilim ang mga suspek. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments