Matapos na isagawa ang test buy laban sa mga suspek na sina Faisal Dimnatang, 37; Tata Sangolingan Angote, barangay konsehal sa Pasayanono, Matungao, Lanao del Norte at Fairosah Dimnatang, 24, ay agad na kumuha ng search warrant ang mga tauhan ng PDEA.
Armado ng search warrant na inisyu ni Judge Valerio Salazar ng Regional Trial Court Branch 6 ay sinalakay ng mga elemento ng PDEA at pulisya sa pangunguna nina P/Supt. Rene Orbe at P/Chief Insp. Ferdinand Bartolome, ang bahay ni Barangay Chairman Faisal Dimnatang, kasama ang suspek na si Fairosah.
Dinakip din sa hiwalay na operasyon si Angote at nakumpiska sa mga suspek ang 22 sachets ng shabu, drug paraphernalia at P800.00.
Ayon sa dalawang lider ng raiding team na sina SPO2 Edgardo Inglatiera at P/Sr. Insp. Lilia Undag, dalawang linggong paniniktik ang isinagawa ng mga awtoridad laban kay Faisal bago pa makumpirmang positibong notoryus na nagpapakalat ng bawal na droga.
Napag-alaman pa sa ulat ng pulisya na si Faisal ay nagmamay-ari ng mga mamahaling sasakyan at lantarang pagpapakita ng yaman na hindi naman umuugma sa kanyang kinikita bilang opisyal ng barangay. (Ulat ni Lino dela Cruz)