Sinabi ni Marine Major Edgard Arevalo, tagapagsalita ng PMA na sisikapin nilang makumbinsi si Capt. Arlene-Orejana Trillanes na maging mediator para sa pagbabalik-loob ng lider ng militar na nag-kudeta na si Lt. Senior Grade Antonio Trillanes na nagkukuta sa Oakwood Primier Hotel sa Makati City.
Si Orejana-Trillanes na miyembro ng Corp of Professors sa loob ng tatlong taon ay kasalukuyang tumangging magbigay ng kanyang panig sa mga mamamahayag.
Ayon pa kay Arevalo, bilang bahagi ng Armed Forces of the Phils. (AFP) ay gagawin nilang lahat para matapos na ang tensyon.
Isinaisantabi naman ni Arevalo ang kumalat na balitang si Orejana-Trillanes ay nag-leave noong nakalipas na Linggo bago pa mag-rebelde ang kanyang asawang si Antonio kasama ang ilang junior officer sa Oakwood, Makati City.
Sinisiguro naman ni Arevalo na ang seguridad ni Orejana-Trillanes sa PMA ay mananatili at kontrolado.
Pinulong naman ni PMA Supt. Major Gen. Edilberto Adan ang lahat ng kadete mula sa brigade commander hanggang sa kaliit-liitang posisyon kahapon para ipaliwanag ang krisis bago pa magsimula ang kaguluhan sa Makati City.
Samantala, lahat naman ng lokal at dayuhang turista ay pinapapasok naman sa compound ng PMA.
Nanatiling full red alert ang pinapatupad ng PMA matapos na sumiklab ang tensyon sa Makati City. (Ulat ni Artemio Dumlao)