Sa inisyal na ulat na nakarating kahapon sa Basilan PNP provincial command, nagkaroon ng matinding bakbakan at palitan ng putok sa pagitan ng dalawang mortal na magkalaban na angkan.
Napag-alaman na nagkaroon ng 30-minuto na putukan sa magkabilang grupo na naging sanhi ng pagkamatay ng dalawa katao at pagkasugat ng isang mangingisda.
Kabilang sa siyam na nasawi ay nakilalang sina Aldam Abua at Fuljam Hamja, samantala, ang malubhang nasugatan naman na mangingisda ay si Manan Jairin.
Noong Miyerkules, Hulyo 23, 2003 ay agad na pinakalat ni Brig. Gen. Bonifacio Ramos, hepe ng 103rd Infantry Brigade ng Philippine Army ang mga sundalo sa nabanggit na lugar upang maresolba ang lumalalang sagupaan ng dalawang angkan.
Inatasan ni Ramos ang mga battalion commander sa Basilan na dis-armahan at kumpiskahin ang mga baril ng dalawang angkan ngunit tinambangan ang mga nagrespondeng kawal ng mga naglalabang angkan.
Apat na sundalo ng Philippine Army ang kumpirmadong nasawi matapos na ratratin ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan habang papasok sa war zone.
Gumanti ng putok ang tropa ng militar na ikinasawi ng dalawa sa mga mananambang.
Sa kasalukuyan, pansamantalang hindi ibinunyag ang mga pangalan ng kawal na nasawi hanggang hindi naipagbibigay-alam sa kanilang pamilya.
Nagpapatuloy pa rin ang bakbakan ng magkalabang angkan habang unti-unting pinapasok ng tropa ng militar ang naturang lugar, samantala, maaaring madagdagan ang bilang ng nasawi. (Ulat ni Boyet Jubelag)