Trike driver todas sa pulis

ZARAGOSA, Nueva Ecija – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 44-anyos na traysikel driver ng isang kagawad ng pulisya makaraang tumangging magsakay ang biktima kamakalawa ng hapon sa Barangay Carmen ng bayang ito.

Agad namang isinugod sa ospital para maisalba sa kamatayan si Alfredo Magnares pero hindi na umabot pa ng buhay, samantala, mabilis namang tumakas ang suspek na nakilala sa apelyidong PO1 Almayda, nakatalaga sa PNP-Special Action Force (SAF) at residente ng Barangay Pantoc ng bayang ito.

Sa imbestigasyon ng pulisya na nakatayo ang suspek at naghihintay ng masasakyan nang biglang dumating ang traysikel na minamaneho ng biktima.

Pinara ng suspek ang traysikel at nagsabing ihatid siya sa bayanan pero tumanggi ang biktima.

Dito nairita ang suspek kaya pinalo ng baril sa mukha ang biktima kasabay na pinitsarahan.

Ayon pa sa mga nakasaksi sa pangyayari, tinangkang kumawala ng biktima mula sa pagkakahawak ng suspek ngunit agad itong pinaputukan ng sunud-sunod sa iba’t ibang bahagi ng katawan. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments