Kaagad na nagsipagtipon ang mga residente at mga mangingisda sa harapan ng Wawandue Fish Port sa Subic, Zambales upang personal nilang isagawa ang pagmamatyag at paghuli sa mga lokal na dayuhang mangingisda na pumapasok sa karagatang sakop ng Barangay Wawandue at Nagyantok.
Ayon sa pahayag ng mga residente sa PSN, matagal na umano nilang inirereklamo ang ganitong uri ng pangingisda sa mga lokal na awtoridad subalit patuloy na hindi inaaksyunan ang kanilang reklamo laban dito at patuloy pa rin ang nagaganap na illegal dynamite fishing sa kanilang lugar.
Maging ang alkalde sa bayan ng Subic, Zambales na si Mayor Jeffrey Khonghun ay minsan na nilang nilapitan upang hingan ng tulong subalit hanggang sa ngayon ay nananatiling walang aksyon ang naturang alkalde.
Ang isinagawang kilos-protesta ng mga residente at mangingisda ay bunsod sa patuloy ang kawalang malambat na isda na ibebenta sa pamilihang bayan.
Sinubukang makapanayam ng PSN si Mayor Khonghun upang kunan ang kanyang panig subalit tumanggi itong humarap at ayaw magbigay ng pahayag kaugnay sa nasabing usapin. (Ulat ni Jeff Tombado)