Kasalukuyang inaalam ng pulisya kung may kaugnayan sa grupong terorista ang mga nadakip na suspek na sina Romeo Chuatingco, 58; Romeo Rosales, 35; Edwin Delimios, 34; Wendell Lanto, 29; Alex Valenteros, Bocalan Gabiosa, Crispin de Asis, 29 at Aldin Morillo, 29.
Unang nasabat ang 60 sako ng ammonium nitrate na lulan ng trak (TPY-256) na pag-aari ni Chuatingco noong Sabado ng hapon sa checkpoint.
Napag-alaman na ang 60 sakong pampasabog ay inilagay sa sako ng pagkaing hayop bago itinago sa kahong styrofore.
Matapos na isailalim sa imbestigasyon ang apat na pawang residente ng Paracale, Camarines Norte ay ikinanta naman ang karagdagang 100 sako na lulan ng trak na may plakang GMW-566.
Nabatid na ang trak ay pag-aari naman ni Benjamin Cabacaba ng Guinan, Eastern Samar at nirentahan lamang ni Valenteros.
Dito na dinakip ang apat pang iba makaraang magsagawa ng follow-up operation matapos masabat ang unang epektos may 11 oras na ang nakalipas.
Ayon pa sa ulat, ang 160 sako ng bomb substance ay dadalhin sa Paracale, Camarines Norte at Alen, Northern Samar.
Ang mga suspek ay dinala sa kampo ng 401st Maritime police station sa Batangas City at pormal na sasampahan ng kaukulang kaso. (Ulat nina Arnell Ozaeta at Joy Cantos)